Wednesday, August 12, 2009

Delta sa Pagmumura

Kilalanin Natin Ang Alimura

Hindi ka Pilipino kapag hindi ka pa nakapagsabi o nakapag-isip man lamang na murahin ang iyong kapwa. Sa tinagal-tagal na ng pagkakabuo at pagkakagamit ng mga salitang ito, aminin man o hindi, ang itinuturing na mababang antas ng wika, o ang sinasabing sinasabi lamang ng mga walang “breeding”, ay bahagi na at kakabit na ng pananalita ng bawat Pilipino, sa normal man o mainit na usapan.

Alam mo naman sigurong hindi ko tinutukoy ang pagkakaroon ng isang bagay ng mababang halaga, o ang pagbaba mismo ng presyo nito, kung hindi, ang mga lupon ng mga salitang nasa ilalim ng katagang “alimura” – ang mapang-uyam at mapanlibak na pananalita. Prangkahan na ha, sa madaling sabi, ito ay ang mga katagang letse, tanga, gago, tarantado, putang-ina at pakyu na minsan ay pagkalutong-lutong na sinasabi ng isang taong masidhi ang damdamin o kaya naman ay napakakaswal namang sinasambit na para bang bahagi na talaga iyon ng kanyang syntax ng pananalita.

Katulad ng sinabi ko kanina, matagal na ring nabuo at naging bahagi ng ating wika ang mga salitang ito kaya naman sa paglipas ng panahon, nabago na rin ang pagkakagamit dito, kaya malamang pati ang kahulugan nito. May paglihis na ang mga ito sa nakasulat sa ating diksyunaryong Filipino, na nagpapakita lamang na hindi na sapat ang nailimbag sa diksyunaryo upang tukuyin ang tunay na ibig sabihin ng nagsasalita sa kanyang tagapakinig. Basahin na lamang ang mga kataga sa ibaba upang mas lalo akong maintindinhan.

Halimbawa:

Juan: "P're, napanood mo na 'yung Twilight?"
John: "'Tang ina p're, I was like, so kinilig."

(Kung meron kang common sense, siyempre alam mong hindi niya nilalait ang pelikulang ito.)

Ilista natin kung saan nating kadalasan maririnig ang mga alimurang Pilipino:
  • labis na galit
  • " " inis
  • panglalait
  • paghamak sa kapwa
  • pagsasabi ng komplimento
  • labis na kasiyahan
  • labis na kagalakan (iyong tipong may pumapatak ang mga luha)
  • (kahit) wala lang (iyong bang kapag nagsasabi ang tao ng mga alimura kahit walang dahilan, para lang magkaroon nfg sasabihin)

Ayan, balik ulit tayo. Kung natatandaan mo pa ang nabasa mo kani-kanina lamang (iyon ay kung talagang binasa mo), nalaman mong malaki na ang ipinagbago ng kahulugan ng mga mura sa panahon natin ngayon. Iyon ang pinagkaiba ng mga salitang ito mula sa iba, sa halip na magkaroon ng isang kahulugan na napagkasunduan ng marami, mayroon itong dalawang kahulugang magkasalungat ang idinudulot sa pinagsasabihan nito. (At ginagamit pa ito pareho!) Sa ganitong anggulo, mahihinuhang ganoon pala kalakas ang kapangyarihan ng mga salitang ito, sapagkat kaya nilang ilabas ang tunay na nararamdaman ng isang tao depende sa pagkakasabi mo nito. Maaari mo itong sabihin tuwing ikaw ay masaya, malungkot o galit. Ganoon din naman ang makaririnig ng mga iyon mula sa iyo, maaaring silang matawa, mainis o magalit. Ganito na pala talaga kalayo ang nilakbay ng mga salitang ito - mula sa pagiging masama, akalain mo ba namang maipahahayag nito ang mabubuting nararamdaman ng mga tao?

lsang Paglilinaw Muna


Bago ko tuluyang talakayin ang aking paksa, gusto ko munang linawin ang ilang mga bagay upang hindi magkaroon ng mga pagkalito sa pagbabasa niyo ng blog entry na ito.
  • Mas mababasa niyo ang katagang “alimura” kaysa sa “mura”. Pinili kong gamitin ang “alimura” sapagkat kani-kanina ko lamang nalaman na ito pala talaga ang tunay na anyo ng “mura”. Alam mo na, Buwan ng Wika natin ngayon, kailangan ipalaganap ang katotohanan sa likod ng ating lengguwaheng sinasalita. Pusta ko mayroong 90% na pagkakataong ngayon mo lang nabasa ito. Hindi ba?
  • Ihanda mo ang iyong sarili sa ilang mga “videos” na may pagka-“hardcore” ang pag-aalimura. Upang maintindihan mo ang aking pananaw sa bagay na ito, kailangan ng ilang halimbawang maipapakita sa iyo. Lulubusin ko na ang pagkakataong blog entry ito, at dahil mababasa ito gamit ang Internet, naisipan kong maglagay ng mga videos kung saan sinasabi sa iba’t ibang paraan ang mga ilang halimbawa ng alimura. Magiging “audio-visual” ang pagkakalahad sa ganitong paraan. Baka kasi kako, medyo makaluma ka, alam mo na, baka mamaya bigla mo pindutin ang shut down sa CPU o isara ang iyong laptop kapag narinig mo ‘yung mga sasabihin sa mga videos na ito. Sayang naman ang mga ‘yun ‘di ba?
  • May ilang alimurang ginagamit ngayong na walang kahulugan sa diksyunaryo. Gaya na lamang ng putang ina at pakyu na malimit nating maririnig sa mga barkadang nagtatawanan sa dyip o mula sa mga ina ng mga batang nadapa na naman sa kalsada. Katunayan ang pormal nilang kahulugan ang nawawala sa diksyunaryo, subalit maaari nating tuklasin ang mga pinag-ugatan ng mga salitang ito upang malaman natin kung ano ang pinakamalapit na ibig sabihin nito.
  • Itutuon ko ang pansin sa mga alimurang kilala at madalas na ginagamit ng mga Pilipino.
Sa Muling Pagbabalik sa Ating Diskusyon…

Gago, Letse, Tanga, Tarantado, Putang ina, Pakyu: Ano ang tunay nilang kahulugan?


Tutal nabasa mo na rin naman sa itaas ang tungkol sa mga alimurang nasa diksyunaryo, sa tingin ko dapat mong malaman ang dahilan (sa aking pananaw) kung bakit sila naroon at kung bakit wala naman ang mas klasikong halimbawa gaya ng putang-ina at pakyu.

Ito ang ilang alimurang may pormal na kahulugan sa diksyunaryo:
  • gago (pangngalan) - lalaking mahina ang ulo o walang talino
  • letse (bilang lahok na pandamdam) – alipusta para sa tanga; ibig sabihin pasusuhin pa
  • tanga (pangngalan) – taong kulang sa kakayahang humatol at magpasiya: BABAL, BOBO, DANGHAG, ESTUPIDO, FOOL, HANGAL, HUNGHANG, LANGA, PULPOL, TANGE, TIMANG, TORPE, TULALA, TUNGAG, TUNGGAK
  • tarantado (pang-uri, mula sa salitang Espanyol na atarantado) – 1: walang prinsipyo o pag-aatubiling moral 2: may masamang gawain o pag-aasal
Paano ba sila ginagamit ngayon?
Videos



Nakahanap ako sa Youtube ng isang music video ng isang kantang kinulang yata ng mga oang-uri (kung hindi mo naman paulit-ulit na maririnig ang gago rito!) Mapapansing ang pagkakagamit ng alimurang iyon ay nasa orihinal na paraan, mapanlait at mapang-uyam. Binabatikos ng mang-aawit ang lahat ng tao sa paligid, simula sa pulitika ng ating bansa hanggang sa mismong nakikinig nito. Hindi man diretsahang sinabi, ipinahihiwatig niyang bobo o tanga ang lahat ng Pilipino.




Sa susunod mo namang mapapanood, (na malalaman mong wala namang kinalaman sa pamagat nito) makikita kung paano ginamit ang salitang gago bilang isang katawagan o endearment para sa mga magkakaibigang itinampok sa video. Mahihinuha naman ito sapagkat sila lang naman at ang masaya nilang pinagsamahan ang ipinapalabas sa kabuuan.




O ayan, isang video naman na sinipi mula sa palabas na Tayong Dalawa. Makikita rito ang tradisyunal na pagkakagamit ng salitang tarantado. Sinabi ito ni Jay-R kay Dave nang pinilit nitong akapin ang kanyang ex-gf na si Audrey. Kung babalikan natin ang ikalawang ibig sabihin natin ito,



Sa tingin ko, at sigurado ako rito, na hindi naman nagbebenta ng laman ang nanay ni Pangulong Arroyo. Ganito lang talaga ipahayag ni Senador Mar Roxas ang kanyang galit sa Cha-cha na isinulong ng ating presidente.




Wala ka namang makikitang galit o taong pinatutungkulan ng taong ito, pero sadyang gustung-gusto niyang gamitin ang "putang ina" sa kanyang kanta (kung kanta ngang masasabi iyon. :P). Aba, sinabayan pa ng dance moves!

Paano na nga ba nabago na ang pagkakagamit sa mga salitang ito?

Mula sa isang sanaysay na nabasa ko nalaman kong ang salita ay lumalago paglipas ng panahon at kumukuha ng mga kahulugan sa mga lupon ng taong gumagamit nito upang maging obhetibo ang nais nilang sabihin o bigyan ng simbolo ang pagiging subhetibo nito. Upang mas lalo mong maintindihan, ang ibig sabihin lamang niyan ay sa iba’t ibang pagkakagamit ng mga tao sa iba’t ibang panahon ng isang salita (dahil iba-iba naman ang karanasan at kapaligirang kinamulatan nila), nagbabago ang kahulugan ng salita. Ganito ang nanyari sa mga tinatawag na alimura na nagsimula nilang isang mapang-uyam at masakit na pananalita ngunit ngayon ay naging tulay na upang ipahayag ng tao ang kanyang positibong nararamdaman. Ganito rin ang nangyari sa Griyegong titik na delta, kung saan ang dating ginagamit lamang bilang simbolo para sa mga salita ay naging kahalintulad na rin ng mga katagang pagbabago (change) at init (heat).

Mahirap tukuyin kung kailan nagsimulang magbago ang pagtingin ng tao sa pagmumura, kaya naman napag-isipan na rin nilang baguhin ang pagkakagamit dito. Sa tingin ko naganap ito nang naging modernisado na ang ating bansa, matapos dumating ang mga Amerikano na nagturo sa ating maging malaya sa ating pagkilos at pananalita. Ngunit iyon ay isang bahagi lamang - maaaring nabibigyang-linaw lamang ng paliwanag na iyon kung bakit napakadali lamang para sa marami ang magmura. Hindi pa rin lubusang nalilinaw kung paanong ginamit na rin ang mga iyon bilang pagpapahayag ng damdamin, maski positibo, na wala man lamang intensyon ihamak ang kapwa.

Ngunit mahalaga pa nga bang malaman ang bawat hakbang tungo sa pagkakasambit natin ng mga alimura ngayon? Siguro, oo. Pero sa aking opinyon may isa pang bagay na mas mahalaga - ang pagkakaintindi natin sa mga gamit ng salitang iyon sa tuwing sinasabi sila. Alam kung kailan sila nagpapatawa at nagpapasaya, alam din kung kailan naman nito nang-aalipusta at nang-uuyam - wala namang bumabatikos sa malawakang pagsasabi nito (liban na lamang kung ikaw ay mula sa konserbatibong pamilya na hindi pa namumulat sa makabagong pagmumura) at sa katunayan ay sinasabayan pa ito ng iba lalo na kung pareho pa sila ng nais sabihin. Isa lamang ang ipinakikita nito, magkaroon man ng iba't ibang paraan/anyo/kahulugan ang mga alimurang ito, nananatili pa ring isa ang pag-iisip ng maraming Pilipino, na alam kung kailan mabuti o masama ang pagmumurang ginagawa. Iyan din ang dahilan kung bakit hindi nalilito at natatalo ang mga Pilipino sa makapangyarihang mga alimura na nananatili sa ating wika sa dalawang magkasalungat na kahulugan.

Kahit tila hindi maganda sa tainga (para sa iba) ang mga katagang ito, naniniwala akong ang pagbabago sa mga alimura ng wikang Filipino ang nagbunsod upang mas maipahayag pa ang damdamin ng bawat indibidwal, upang mas ipaintindi pa sa patutungkulan ang mensaheng nais ibahagi - na sa aking tingin ay gumanap sa layunin ng ating wikang Filipino - upang ipadama at ipaintindi ang gustong sabihin sa kapawa Pilipino.




Appendix
Gusto kong pasalamatan sa mga sumusunod:
* UP Diksyunaryo
* Tagalog-English Dictionary
* Sanaysay na Pagmamahal and Pagmumura
* Eli Soriano (sa pagsasabing hindi masamang magmura kung ang ginagawa lamang ay sabihin ang estado ng tao)

Gusto mo ng pampalikas oras?

No comments:

Post a Comment